“TURN around… every now and then I get a little bit lonely and you never come around…” sabi ni Bonnie Tyler sa intro ng kanta. Tumayo bigla ang … balahibo ko. Sabi ko sa sarili “’Eto na sa wakas. Makakapanood na ako ng bold show.”
May mala-Rey Langit na nagsalita: “Leydeeez en gentulmeyn, neow denzzing on zi plor izzz Mizz Bebeh Rehca Firaliho.” Umaatikabong palakpakan ang lahat sa intro na ‘yun. ‘Yung mga kasama kong “first timers” din daw nag-standing ovation bigla, sabay sigaw ng “We lab yu, Recah!” na parang may namumuong luha pa sa mga mata nila.
Nang tumutok ang spotlight sa stage, naroon na ang babaeng sasayaw. Nakatalikod siya at parang malambot na gitara ang korte ng kanyang katawan. Nakabalabal siya ng mala-kulambo na scarf na kasing nipis ng sapot ng gagamba. Sa nipis nito ay kita na ang suot niyang pulang-pulang spandex lingerie. Pero kahit nakatutok ang maliwanag na spotlight sa katawan ng babae, kapansin-pansin pa rin na hindi siya maputi. Morena beauty ang dancer na ito.
“O, kampai! Kampai muna!” sabi ng apat kong kasama, ibig sabihin simulan na ang inuman. Nag-untugan ang mga baso naming puno ng beer na galing sa bote. Naisip ko, dahil nalilibang sila sa panonood, maisasakatuparan ko ang plano kong mandaya sa pag-inom para hindi malasing. Uminom ako, pero hindi lumunok. Inipon ko ang beer sa loob ng pisngi ko para ibuga ulit pabalik sa baso.
“Every now and then I fall apaa-aaa-aaart!… Turn arooouuuunnd!” sa isang kagulat-gulat na choreography, tumalon si Rehca nang pagkataas-taas, umikot nang 180 degrees sa ere na parang ninja, at bumagsak nang naka-split sa sahig ng stage. Napa-“GULP!” ako sa gulat. Nalulon ko ang beer!
“And I neeeed you now toniiiiiight!” habang naka-split si Rehca at nakatungkod ang dalawang palad sa harap ng nakabukaka niyang legs, nagpaikut-ikot ang ulo niya na parang elesi ng eroplano. Napahawak ako sa baso ko ng beer at inilapit ko sa labi ko para lumunok ulit ng likido. Ang galing ng elesi-effect dahil sa mahaba niyang buhok. Mukha siyang te-take-off any minute.
“Once upon a time I was falling in love, now I’m only falling apart…” sa kabuuan ng kanta parang nawala ako sa sarili ko. Nabura lahat ng problema ko sa buhay. Nawala sa isip ko ang mga kasama ko, ang mga ibang tao sa klab at ang natira lang sa lugar ay ako… at si Rehca.
“There’s nothing I can say, total eclipse of the heart….” Pawis na pawis na si Rehca sa pagsasayaw at taas-baba ang kanyang dibdib sa hingal. Nu’ng bumagal ang kanta ko lang natitigan ang mukha niya. Si—siya… Siya ‘yung kumakanta nu’ng isang araw. Siya ‘yung binosohan ko. Magkapit-bahay lang kami ng diyosang si Rehca.
Tulo ang laway ko sa performance ni Rehca. Tulo rin ang beer mula sa bibig ko nang bigla akong nakaramdam ng malakas na palo sa ulo ko. Nauga ang utak ko sa lakas. Nagising ako sa mala-panaginip kong panonood. May nambatok sa akin.
“’Tang ina naman, pare… inubos mo pati beer namin.”
Nasa aking harapan ang limang basong walang laman at ang apat kong kaibigan na nagngingitngit sa galit dahil nainom ko pati ang beer nila.
Wala na sa entablado si Rehca. Nasa puso ko na siya.
At oo, lasing na ako. ( aLjI0708 )