TOTOO minsan ang kasabihang “great things come to those who wait”. Akalain mo pagtapos ng isa’t kalahating oras ng paghihintay ay dumating din ang babaeng nagpapakilig sa akin. Tumatakbo siya sa paghabol dahil sasabit na sana ako sa jeep para makauwi. Akala ko na-stood up na naman ako.
Naghintay ako sa labas ng gate ng iskwelahan nila dahil nangako akong susundo sa kanya pag-uwi. Nangingilo na ako sa kakanguya ng stork maiwasan lang ang pagkabagot sa sobrang tagal niyang dumating. Hindi lang ‘yan, nanginginig na rin ako sa ginaw dahil umuulan na at super-lamig ng hangin dala ng bagyong biglang dumating na signal no. 3. Pero nang marinig ko ang boses niyang medyo paos at makita ang ganda niyang mala-signal no. 3 din ang dating, natunaw ulit ang puso ko na parang ice cream.
Kahawig siya nu’ng babaeng leading lady sa pelikulang “Transformers”, si Megan Fox: matangkad, balingkinitan ang katawan, makapal at mahaba ang buhok, mapungay ang mga matang may mahahabang pilik, labi niya ay nakanguso nang konti na parang ready na humalik anytime. At ang pinakamahalaga para sa akin ngayon, cute siyang tumakbo. Malakas ang alog.
SCENE 4:
“Mahihirapan na tayong maka-uwi,” sabi ni Megan (look-alike) sabay kuha niya sa kanang kamay ko. Naisip ko: Holding hands?! This is my lucky day. “Galing ako sa kabilang gate, baha na du’n… stranded ang mga classmates ko. Tapos naalala ko susundo ka nga pala dito sa Gate 1 kaya ako bumalik. Sorry, ha. Nag-panic ako, e.”
“Okey lang.” pa-cute kong sagot. “‘Buti may payong ka. Nakalimutan ko kasing magdala, e.”
“Share na lang tayo. Kasya naman ang dalawa dito. So, sa’n tayo ngayon?”
Naisip ko habang nakakuyabit siya sa akin at lumalakas lalo ang ulan: Saan nga ba kami dadaan papalabas ng school? Baha sa Gate 2. Baha na rin dito sa kalyeng kinatatayuan namin. May mga jeep pa rin kaso, hanggang bubong na ang pasahero. Hindi naman puwedeng pasabitin ko rin siya sa barandilya ng jeep.
Iisa na lang ang pwedeng pagdaanan: May alam akong short-cut na itinuro sa akin ng isang kabarkada ko, diretso papalabas ng highway: Sa maliit na Gate 3 ng school. Hindi binabaha doon kasi medyo mataas ang lugar. Pero ang nakakahiya, puro motel ang nasa kaliwa at kanan ng kalyeng ‘yun. Lahat ng dumadaan, kung marumi ang isip mo, sasabihin mong galing sila sa isa sa mga motel doon. Na kadalasan totoo.
“May alam akong short cut.. kaso…” napalunok ako.
“Sa Gate 3?” siya na ang tumapos ng sentence.
“Doon nga ako dapat dadaan kanina. Nahiya lang ako kasi… alam mo na. Mahirap na’ng matsismis sa hindi mo boyfriend.”
BOYFRIEND?
“Ibig mong sabihin, okey lang sa ‘yo kung boyfriend mo ang kasabay?”
“Lika na… nababasa na ako.”
Pagkasabi niya nu’n, umangkla na siya sa braso ko.
Hawak niya ako. Hawak ko ang payong.
Nanginig ako bigla habang naglalakad.
Pero hindi na dahil sa ginaw.–aLjI0808
ITUTULOY…