HINDI ako mamboboso. At hindi pa ako namboboso kahit kailan. Kaya ewan ko at bakit sa isang iglap ay nasa itaas na ako ng sanga ng isang puno, at sa mismong tapat ng isang bintanang bukas ay tinatanaw ko sa loob ang isang babaeng kumakanta ng “Total Eclipse of the Heart”.
Naalala ko na kung sino siya.
Siya ang bagong-lipat na kapitbahay namin. Tingin ko kasing-edad ko rin siya. Bata ang mukha pero dalaga na ang katawan. Dalagitang kamukha ni Rica Peralejo (na morena ang balat) at medyo kaboses ni Sarah Geronimo. O baka lasing lang ako kaya ganito ang dinig at tingin ko?
Nagbibihis ang morenang “Rica” (‘di ko alam pangalan niya) habang kumakanta. Aktong magtatangal siya ng T-shirt na may nakatatak na Gues (single “s”). At ewan ko kung bakit– biglang nangatog ang buong katawan ko. Kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin, nangatog din ang buong puno. Akala ko mahuhulog ako buti na lang humigpit ang pagkakayakap ko sa magaspang na sanga na nahalikan ko rin bigla sa takot. Gasgas ang nguso ko.
Nang makabawi ako sa pagkakapuwesto, sabay tingin ulit, iba na ang hitsura ni Sarah. Wala na’ng T-shirt. Wala na ring bra. Topless na siya at naglalagay ng deodorant habang nakatapat sa salamin ang malusog niyang… kumakanta pa rin siya. Malakas pa rin ang ihip ng hangin pero nagbutil-butil bigla ang pawis ko sa noo.
Kakaiba na ang nararamdaman ko at mukhang may lalabas na sa akin. Kaya dali-dali na akong bumaba ng puno. Bumaba meaning: tumalon at bumagsak. Pagsayad na pagsayad ng nangangawit kong paa ko sa lupa, pinulikat ako, kasabay ng napakalakas na …
“Gwaaaaaaarrrkkkk!!! “
Hindi na talaga ako iinom ng beer. ( aLjI0708 )